Mga Madalas na
Katanungan
Ang child labor ay anumang uri ng trabaho o economic activity na ginagawa ng isang bata na mapanganib o makakasama sa kaniyang kalusugan, kaligtasan, at pisikal, mental, at sikolohikal na pag-unlad.
Mayroon tayong tinatawag na worst forms of child labor o ang mga pinakamalalang uri ng child labor. Ito ay ang:
- Lahat ng uri ng slavery o pang-aalipin alinsunod sa “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003”, o gawaing katulad nito kabilang ang pagbebenta sa mga bata, paggamit bilang pambayad-utang, sapilitang pagtatrabaho, at pagre-recruit upang maging bahagi ng armadong tunggalian;
- Paggamit, pagkuha o pag-aalok ng mga bata sa prostitusyon o pornograpiya;
- Paggamit ng mga bata sa mga ilegal na gawain tulad ng paggawa at pagbebenta ng mga droga at mga ipinagbabawal na gamot; at
- Anumang uri ng trabaho na mapanganib sa kalusugan, kaligtasan, o moralidad ng mga bata.
Ang child work ay ang mga gawain ng isang bata na legal o pinapayagan ng batas, naaangkop sa kaniyang edad at kakayanan, hindi nakasasagabal sa kaniyang pag-aaral at pagpapahinga, at hindi mapanganib sa kaniyang kaligtasan at kalusugan.
Ang child labor ay ang pagtatrabaho ng isang bata na ilegal o ipinagbabawal ng batas, mabigat para sa kaniyang edad at kakayanan, ginagawa nang mahabang oras labag sa itinakda ng batas, nakahahadlang sa kaniyang pag-aaral at mapanganib para sa kaniyang kaligtasan o kalusugan.
Ang isang batang wala pang 18 taong gulang ay hindi maaaring pumasok sa pinakamalalang uri ng trabaho o maging modelo sa patalastas ng mga nakalalasing na inumin, tabako o produktong may tabako, sugal, at pornograpiya.
Ang minimum employable age sa Pilipinas ay 15. Ang isang batang wala pang 15 taong gulang ay hindi maaaring pumasok sa anumang uri ng trabaho – pampribado man o pampubliko – maliban sa mga sumusunod:
- kung ang bata ay nagtatrabaho sa ilalim ng responsibilidad ng kaniyang magulang o tagapag-alaga at kung saan mga miyembro lamang ng kaniyang pamilya ang kasamang nagtatrabaho; o
- kung ang bata ay nagtatrabaho sa public entertainment or information tulad ng telebisyon, pelikula, at commercials o advertisements
Sa mga kondisyong ito, dapat siguruhin na ang trabaho ay hindi mapanganib sa buhay, kalusugan at kaligtasan ng bata, siya ay nakapag-aaral, at mayroon siyang work permit mula sa Department of Labor and Employment.
Ang mga batang wala pang 15 taong gulang ay hindi maaaring magtrabaho ng higit sa 4 na oras sa isang araw, higit 20 oras sa isang linggo, at sa pagitan ng 8:00 pm at 6:00 am ng sumunod na araw.
Ang mga batang 15 hanggang 18 taong gulang ay hindi maaaring magtrabaho ng higit sa 8 oras sa isang araw, higit 40 oras sa isang linggo, at sa pagitan ng 10:00 pm at 6:00 am ng sumunod na araw.
Ang Department of Labor and Employment ay may inilabas noong 2016 na Department Order No. 149 kung saan nakalista ang iba’t ibang trabaho at gawain na mapanganib para sa mga batang wala pang 18 years old.
Kabilang sa mga industriya na mapanganib para sa kanila ay mining, quarrying, construction, logging, fishing, hunting, at manufacturing ng mga nakalalasing na inumin, sigarilyo, paputok, at chemical products.
Ayon sa Special Release on Working Children Situation na inilabas ng Philippine Statistics Authority noong 25 July 2023, mayroong 1.48 milyon working children sa bansa may edad 5 hanggang 17 taong gulang noong 2022. Sa bilang na ito, 828 thousand (56.0%) ang child laborers. Ito ay mas mababa kumpara sa datos noong 2021 na 935 thousand na bilang ng child laborers.
Ayon sa datos, mas marami ang mga batang lalake na nag tatrabaho kaysa sa mga batang babae at karamihan sa mga child laborers ay nasa edad 15 hanggang 17 taong gulang. Ayon pa dito, higit sa kalahati ng mga child laborers o nasa 68.8%, ang nasa sektor ng agrikultura, 25.9% ang nasa services sector, at 5.3% ang nasa industry sector.
Ang SOCCSKSARGEN ang may pinakamataas na bilang ng child laborers kung saan matatagpuan ang aabot sa 12.5% ng bilang ng mga child laborers. Ang SOCCSKSARGEN ay sinundan ng Central Visayas, BARMM, Northern Mindanao, at Ilocos Region na may pinakamataas na kaso ng child labor sa bansa.
Noong 2002, itinalaga ng International Labour Organization ang June 12 bilang World Day Against Child Labor upang bigyang-atensyon ang pandaigdigang isyu ng child labor at mabigyang-diin ang mga programa, inisyatibo, at adbokasiya ng iba’t ibang bansa upang mawakasan ito. Nakikibahagi sa pagdiriwang na ito ang national governments, employers’ organizations, trade unions, civil society at milyon-milyong mga bata sa buong mundo.
Ang pagdiriwang ng World Day Against Child Labor tuwing June 12 ay kasabay ng ating Araw ng Kalayaan. Upang mas mabigyang atensyon ang World Day Against Child Labor sa ating bansa, nagsasagawa tayo ng iba’t ibang activities sa buong buwan ng Hunyo bilang pakikiisa sa pandaigdigang kampanya laban sa child labor at upang mapalawak ang kamalayan ng mga tao tungkol dito.
Ang Philippine Program Against Child Labor ang pambansang programa laban sa child labor na may vision na child labor-free Philippines.
Ang mission naman nito ay mapabuti ang pamumuhay ng child laborers at kanilang mga pamilya sa tulong ng mga inisyatibo at mga programa na makatutulong sa kanila na makaangat mula sa kahirapan – ang pangunahing dahilan sa Pilipinas kung bakit ang mga bata ay pumapasok sa child labor.
Ang National Council Against Child Labor (NCACL) na nabuo sa pamamagitan ng Executive Order No. 92, Series of 2019 ang nangunguna sa implementasyon ng Philippine Program Against Child Labor – ang pambansang programa sa pagsugpo ng child labor sa bansa.
Ang NCACL ay binubuo ng 19 na ahensya ng gobyerno sa pangunguna ng Kalihim ng Department of Labor and Employment bilang Chairperson at Kalihim ng Department of Social Welfare and Development bilang Co-Chairperson, at tig-dalawang kinatawan mula sa workers sector, employers sector, and non-government organizations na may mga programa sa child labor.
#BatangMalaya ang official campaign brand ng lahat ng inisyatibo at gawain ng National Council Against Child Labor at mga katuwang nito tungo sa isang child labor-free Philippines na inaasam sa ilalim ng Philippine Program Against Child Labor.
Layunin nito na mapaigting ang mga inisyatibo sa pagsugpo sa child labor at adbokasiya upang ang bawat bata ay malayang maging bata – malayang maglaro, makapag-aral, maging ligtas at malusog, at malaya mula sa mapang-abusong trabaho.